Para sa kanya…
Thursday, October 2nd, 2008Hindi maganda yung naging katapusan natin.
Marami pa ring tanong yung hindi mo sinagot. Hindi ko alam kung saan nanggagaling yung galit mo sa akin… di ba, dapat ako pa nga yung magalit? Ako yung nasaktan, ako yung niloko mo!
Hindi ko kailanman ginustong masira yung tingin ng mga tao sa’yo. Alam yan ng mga kaibigan natin. Lagi kitang pina-patronize, lagi kong ginigiit sa kanilang mabuti kang tao. Pero ngayon, hindi na ‘ko sigurado dun.
Pagkatapos mong aminin sa ‘kin na all along siya pa rin pala, hindi ko alam kung paano ko na titingnan yung sarili ko ngayon. Tanga yata talaga ‘ko kasi di ko nakita yun. Tanga ako o pinili kong maging tanga dahil sa pagmamahal ko sa’yo.
Kung magkikita tayo ulit o magkakasalubong, hindi pa rin kita makakayang tingnan sa mata. Ayoko kasing makita mo dun yung galit na meron ako ngayon para sa’yo. Gusto ko, kapag maaalala mo ako, ang maiisip mo, yung pagmamahal na meron ako para sa’yo, hindi yung galit, hindi yung sama ng loob.
Uulitin ko yung tanong, bakit nangyari sa atin ‘to? Bakit parang hindi ko na makita yung tama sa mali. Yung dapat kong maramdaman, hindi na rin malinaw sa akin. Ginulo mo yung mundo ko, ginulo mo lang lalo yung isip ko. Yung mga dapat i-klaro, lalong lumabo. Sana dumating yung araw na mapatawad kita sa ginawa mong pagpapahirap sa ating dalawa, na mapatawad ko rin sana yung sarili ko sa ginawa ko ring pagpapahirap sa ating dalawa.
Hinihintay ko pa rin yung mga sagot mo hanggang ngayon…